Ayon sa isang opinion article ni Rigoberto Tiglao sa The Manila Times, peke umano ang mga numero ng human rights violations noong Martial Law sa isang pahayag na inilabas ng Amnesty International (AI) noong 2018. Lehitimo ang naturang pahayag ng AI ngunit ang numerong nabanggit ay nangangailangan ng dagdag na konteksto.
Isinaad ng pahayag na ito noong anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 2018 na 70,000 katao ang nakulong, 34,000 ang tinortyur, at lagpas 3,200 ang pinatay noong panahon ng Batas Militar mula 1972 hanggang 1981. Gayundin, naglabas ng katulad na pahayag ang AI na tila hindi na kasama ang mga bilang na ito.
Ang Amnesty International Missions
Sa paunang salita ng unang mission report ng Amnesty International sa bansa noong 1975, nakapanayam ng organisasyon si dating presidente Ferdinand E. Marcos, Sr. tungkol sa kalagayan ng batas militar sa bansa. Sinabi rito mismo ni Marcos na higit 50,000 katao ang naaresto at nakulong sa unang tatlong taon pa lamang ng Martial Law. Ngunit bukod dito, wala nang nabanggit na kabuuang bilang ng human rights violations sa unang report maging sa ikalawang mission report nito noong 1981. Pinatotohanan ng mga misyon ng AI ang iba’t ibang klase ng human rights violations noong panahon ng Martial Law sa pamamagitan ng first-hand investigations at interviews sa mga biktima.
Iba-ibang mga numero
Sa kabilang banda, ayon naman sa Task Force Detainees of the Philippines, higit 9,000 na human rights violations ang kanilang naitala mula 1969 hanggang 1986. Malapit ang bilang na ito sa estimates ng dating Captain Navy at naging aktibistang si Danilo Vizmanos sa kaniyang librong “Martial Law Diary and Other Papers” na halos 10,000 ang naging biktima ng torture, salvaging, at disappearance sa panahon ng Martial Law.
Iba rin ang bilang na ito sa tinatayang 9,500 na mga biktima ng human rights violations na pinagkalooban ng halos 2 billion dollars bilang compensation ng isang Hawaiian court noong 1995.
Samantala, ayon naman sa Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC), mahigit 11,000 ang mga biktima ng human rights violations na inaprubahan ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB) sa ilalim ng RA 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Ito ay 14% lamang mula sa lagpas na 75,000 na mga indibidwal na nag-apply para sa compensation.
Read the full story on #PakCheck by e-Boto.