
Hindi totoo ang diumano’y P5,000 cash assistance galing sa Malasakit Center na iniaalok sa isang kumakalat na Facebook post.
Mababasa sa caption ng post ang “MALASAKIT P5K Cash Assistance Para Sa Lahat Ng Pilipino.” Ini-upload ang nasabing post sa Facebook page na Malasakit – Cash Assistance na ginawa noon lamang Mayo 21, 2025. Sa huling tala ng ABS-CBN Fact Check, nakakuha na ito ng 2.1K likes at 5.9K shares.
Nilagyan ang post ng larawan ni reelected Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa harap ng Malasakit Center logo at nilapatan ng tekstong “Uunahin Namin Mabigyan Ang Mga Nag-MESSAGE Sa Amin.”
Makikita rin sa mapanlinlang na post ang isang link kung saan maaari diumanong mag-rehistro ang mga nais makakuha ng tulong pinansiyal, pero nakadirekta ito sa isang online shopping platform.
Pormal na naitatag ang Malasakit Centers sa pamamagitan ng Malasakit Centers Act. Layunin ng batas na ito na pagsamahin sa isang tanggapan ang mga tulong pinansyal at medikal mula sa Philippine Health Insurance Corporation, Philippine Charity Sweepstakes Office, Department of Social Welfare and Development, at Department of Health. Si Go ang principal author at sponsor ng batas.
Read the full story on ABS-CBN Fact Check.